"Walang awa", ito ang paglalarawan ng biktimang si Romalyn Taquic,27 ng Gingoog City,Misamis Oriental sa kamay ng kanyang babaing Malaysian employer na hindi binanggit ang pangalan.
Sa salaysay ni Taquic kay OWWA Administrator Wilhem Soriano,dalawang linggo pa lamang siyang dumating at namasukan ay sampal na agad ang kanyang inabot sa kanyang amo sa walang kadahilanang bagay.
Habang tumatagal ay lagi na siyang sinasampal na may kasama pang sipa, tadyak at kagat.
Nagawa lang makapagsumbong si Taquic sa Philippine Embassy sa Malaysia sa tulong ng kapwa niya Pinay DH nang makita ang kanyang galos at pasa sa katawan.
Nang makita ng mga opisyal na embahada at OWWA sa Malaysia ang kalagayan ni Taquic ay agad itong pinakunan ng litrato at sinamahan sa pulisya para sampahan ng kaso ang kanyang amo.
Nang malaman naman ng amo na nagsampa ng kaso ang biktima ay agad itong humingi ng amicable settlement at nagbigay ng halagang 30,800 ringgit na katumbas ng halagang P 513,000.
Nagpapasalamat naman ang biktima ng dumating kamakalawa dito sa bansa sa pamunuan ng OWWA at RP Embassy officials sa Malaysia na tumulong sa kanyang pag-uwi dito sa bansa. (Ulat ni Rose Tamayo)