Sa ginanap na 3rd National Education Conference sa PICC, sinabi ni Prof. Henry Tenedero, pangulo ng Center for Learning and Teaching Styles (CLTS) na hindi na umano ngayon uso ang mga "Miss Tapia" sa programang Iskul Bukol na kinakatakutan ng mga mag-aaral.
Hangad umano nila na tanggalin sa mga guro ang nakasanayan na nilang sobrang pagiging istrikto at nakakabagot na sistema ng pagtuturo.
Ipinaliwanag ni Tenedero na hindi na umano uso ngayon ang nakagawian nang pagsunod ng mga guro sa kumbensyonal na pagtuturo kung saan ginagawang parang sundalo ang mag-aaral.
Karaniwang inaangal ng mga estudyante ang pagiging "boring" ng mga guro sa pagsunod sa araw-araw na uri ng lesson plan.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng CLTS, lumalabas sa ibang bansa na mas natututo ang mga mag-aaral kung palaging nakangiti ang kanilang guro, hinahayaan silang kumilos nang ayon sa kanilang gusto sa pagkakaupo, pagdo-drawing habang nakikinig sa guro, at masayang talakayan kasama ang pagkanta at pagsayaw.
Maaari rin umanong iugnay ng mga guro ang mga hilig ng bata tulad ng mga programa sa telebisyon sa kanilang magiging aralin upang maging interesado rito ang mga mag-aaral.
Ang naturang pagsasanay sa mga guro ay upang maitaas ang kalidad ng edukasyon at ang rate ng mga mag-aaral na pumapasa sa elementarya. (Ulat ni Danilo Garcia)