Ayon kay Eastern Samar Rep. Marcelino Libana, chairman ng komite, layunin ng panukala na mabawasan ang mga kasong labis na tumatagal ang pagdinig dahil habang patuloy umanong nadaragdagan ang populasyon ng bansa, lalo na sa mga probinsiya, hindi naman nadaragdagan ang mga MTC.
Sa nasabing bilang, anim na MTC branches ang itatayo sa Iloilo, tatlo sa Lanao del Norte, dalawa sa Batangas at isa sa Davao del Norte.
Sa Iloilo lamang, mayroong backlog na 20,000 kaso sa apat na MTC branches.
Sinabi ni Deputy Speaker Raul Gonzales (Iloilo City), mayroon lamang apat na judges sa kanilang lalawigan na naghahati-hati sa napakaraming bilang ng kaso na isinasampa araw-araw.
"Iloilo City is the center of economic development in Western Visayas and has a population of some 500,000," ani Gonzales.
Ayon naman kay Lanao del Norte Rep. Alipio Cirilo Badelles, isa sa mga nagpanukala ng pagdaragdag ng MTC sa bansa, sa ngayon ay dalawa lamang ang korte sa Iligan City na sentro ng economic activity ng Northern at Central Mindanao.
Ikinatuwiran naman ni Batangas Rep. Oscar Gozos na dapat ding dagdagan ang korte sa Lipa city dahil sa dumaraming court cases sa kanilang lalawigan. (Ulat ni Malou Escudero)