Ayon kay Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao, ipinabatid na ni US Secretary of State Collin Powell sa Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na malamang na hindi na makadaan sa bansa si Bush sa pagbisita nito sa Asya.
Bilisan ang biyaheng ito ni Bush at mahigpit ang mga nakatakda niyang aktibidad. Kaya humingi ng paumanhin si Powell, ani Tiglao.
Inimbita ng Pangulong Arroyo si Bush na dumaan sa bansa sa nakatakda niyang pagbisita sa Asya nang magpulong sila sa White House noong Nobyembre 20.
Ang paanyayang ito ay ipinagunita ng Pangulong Arroyo kay Secretary Powell nang magkita sila sa pinakahuli niyang biyahe sa New York noong Pebrero 1 nang dumalo sila sa World Economic Forum.
Sinabi ni Tiglao na ipinaliwanag ni Powell kay Arroyo na tatlong araw lang tatagal ang pagbisita ni Bush sa tatlong bansa. Pero ayon sa Department of Foreign Affairs ang sinasabing tatlong araw na pagbisita ni Bush sa Asya ay mula Pebrero 17 hanggang 22.
Sinabi ni Tiglao, na wala nang panahon para mapaghandaan ng Washington at Maynila ang paanyayang pagdalaw sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Tiglao na sinabihan ni Powell ang Pangulo na sisikapin pa rin niyang maayos ang posibleng pagdaan sa Maynila ni Bush.
Inimbita ni Arroyo si Bush na dumaan sa Pilipinas para tugunin ang ginawa niyang pagbisita sa Washington noong Nobyembre at bilang pagkilala sa ganap na suporta ng pamahalaan US sa kampanya laban sa terorismo sa Mindanao at pagkakaloob ng tulong militar at pangkabuhayan sa bansa.