Sinabi ni ret. Gen. Mike Hinlo, Assistant General Manager for Security and Emergency Services na hindi nila papayagan ang anumang hakbangin na gagawin ng mga taga-Parañaque city hall tulad ng pagpasok sa airport na magiging dahilan para masira ang operasyon dito na kung saan ay posibleng maapektuhan ang international at domestic flights nang may 50,000 pasahero ang umaalis at dumarating araw-araw.
Ayon kay Hinlo, ang hukuman lamang ang may final judgement sa kasong hindi pagbabayad ng NAIA na ang usapin ay nagsimula pa noong 1962 kaya umabot sa P650 milyon ang naging utang nito sa city government.
Nakahanda ang mga tauhan ng airport police at PNP-ASG na nakakalat sa mga strategic points para itaboy ang mga tauhan ng city government kung magsasagawa ito ng rali at pagpilit na isara ang airport.
Ang kaso ay kasalukuyang nakabinbin sa Court of Appeals pero sa kabila nito ay balak ng Parañaque government na isubasta ang runway ng NAIA kapag hindi nagbayad ang MIAA management.
Binanggit pa ni Hinlo, na dapat ang mag-usap sa problemang ito ay sina MIAA General Manager Ed Manda at Mayor Joey Marquez para maayos sa magandang paraan. (Ulat ni Butch M.Quejada)