Ayon sa maralitang grupong Adhikain at Kilusan ng Ordinaryong Tao (AKO), napapanahon na para magsama-sama muli ang ibat ibang sektor upang ipakita na nakatutok ang lahat hinggil sa tunay na layunin ng mga oposisyong senador kaugnay ng ginagawang panggigipit sa PEACe bonds.
Sinabi ni Ka Poneng Tolentino ng AKO na hindi sila tutol sa ginagawang imbestigasyon ng Senado ngunit dapat maging patas at hindi bias ang opposition senators na sina Tessie Aquino-Oreta at magpinsang Serge at John Osmeña.
Nagbanta naman si Bobit Librojo ng Social Democratic Caucus na mapipilitan silang maglunsad ng kilos-protesta laban sa mga bias na senador sakaling ipagpatuloy ang panggigipit sa pondo ng PEACe Bonds.
"Dapat malaman ng mamamayan kung ano talaga ang tunay na layunin ng opposition senators at kung bakit nila pinag-iinitan ang Peace bonds. Kung gusto nilang gumanti sa civil society, huwag nilang idaan sa pagkastigo sa Peace bonds dahil ang maralitang Pinoy ang tunay na naapektuhan," dagdag pa nito. (Ulat ni Rudy Andal)