Tahasang inihayag ni Sen. Robert Barbers na harap-harapang pagyurak at pagbabalewala sa kakayahan ng Pilipinong eksperto sa law enforcement ang pagkuha ng Pangulo sa naturang US official bilang adviser.
Sinabi ni Barbers na bagamat may kaalaman at kapabilidad si Giuliani, tinututulan niya ang pagkuha ng serbisyo ng dayuhan sa bagay na may kinalaman sa peace and order situation ng bansa dahil may mga sarili tayong eksperto na makatutugon sa problema ng pamahalaan laban sa kriminalidad.
Ayon naman kay Cavite Rep. Gilbert Remulla, kung itutuloy ng Pangulo ang kanyang plano dapat ay tanggalin na lamang nito ang lahat ng opisyal ng kanyang Gabinete at palitan ng pinakamagaling na opisyal na makukuha sa Amerika.
Sinabi pa ni Remulla na ang naging pahayag ng Pangulo ay isang tahasang pag-amin na bulok ang kanyang gobyerno na kailangan pang mag-import ng adviser.
Patunay din umano ito na walang tiwala ang Pangulo sa kakayahan ng kanyang Gabinete at mga adviser at mas may tiwala pa ito sa Kano.
Isa rin umanong sampal sa law enforcement ng bansa katulad ng AFP, PNP, NBI at DILG nang sabihin ng Presidente na partikular na magiging papel ni Giuliani ay peace and order ng Pilipinas.
Kung wala anya siyang tiwala sa PNP, NBI, at DILG dapat ay palitan na rin niya ito ng FBI, NYPD at CIA.
Samantala, sinabi ni Press Secretary Noel Cabrera na huwag agad batikusin ang planong ito dahil hindi pa naman pinal at wala pang tugon dito si Giuliani kung tatanggapin o hindi ang alok ng pamahalaan bilang consultant. (Ulat nina Rudy Andal/Malou Rongalerios-Escudero/Lilia Tolentino)