Batay sa 17-pahinang desisyon ng Korte sa panulat ni Chief Justice Hilario Davide Jr., pinapayagan nito ang petisyon ng pamahalaan na maibalik sa kabang-yaman ng gobyerno ang lahat ng mga sinasabing nakamkam na ari-arian ni Bugarin mula 1968 hanggang 1980.
Dahil dito, ibinasura ng SC ang naunang desisyon ng Sandiganbayan noong Agosto 13, 1991 na nagbabasura sa forfeiture case ng gobyerno laban sa dating NBI chief. Matatandaan na si Bugarin ay nagsilbi bilang NBI director nang mahigit 10 taon at sinasabing crony ni dating Pangulong Marcos.
Sa record ng korte, hindi tugma ang mga kinita ni Bugarin bilang isang opisyal ng gobyerno kumpara sa lahat ng kanyang mga ari-arian.
Lumalabas na ang mga lupain at personal na ari-arian ni Bugarin ay nagkakahalaga noon ng P6.3 milyon habang ang kanyang suweldo lamang sa NBI mula Hulyo 1, 1967 hanggang Marso 15,1986 ay umaabot nang P743,000.
Ikinatwiran ni Bugarin na ang kanyang ari-arian ay kinita nila ng kanyang maybahay habang ang iba dito ay mula sa kanyang allowances mula sa Dangerous Drugs Board, Napolcom, Central Bank at sa isang law office.
Hindi naman ito kinatigan ng SC sa pagsasabing kung totoo mang may kinita si Bugarin mula sa ibang tanggapan, ito ay hindi dapat kunsintihin dahil labag ito sa Civil Service Rules at nararapat pa nga itong kasuhan. (Ulat ni Grace Amargo)