DFA kinakapos na sa passport

Dahil sa maraming bilang ng mga gustong lumabas ng bansa at mamasukan bilang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa taong ito, nagkakaroon na sa kasalukuyan ng "passport shortage" ang Department of Foreign Affairs (DFA).

Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon ang ilang empleyado ng DFA na manggulang sa mga aplikante na madaling-araw pa lang ay matiyaga nang pumipila.

Isa umano sa mga raket ng ilang mga empleyado ng DFA sa Passport Division ay ang "delaying tactics" o ang paisa-isang paghingi ng mga kinakailangang mga dokumento at pabagu-bagong paghingi ng mga supporting papers.

Bukod pa rito, tinanggal na rin ang "rush processiong section" sa Passport Division kung saan dito ay nakukuha ng isang aplikante ang kanyang pasaporte sa loob ng tatlong araw.

Ayon naman sa panayam kay DFA spokesman Victoriano Lecaros na sa Lunes ng susunod na linggo ay inaasahang babalik na sa normal ang proseso ng pagkuha ng pasaporte dahil kumuha na ng maraming bilang ng passport booklets sa Bangko Sentral ang DFA. "Papalapit kasi ’yung peak season. Then there is this Hajj coming kaya nagkaroon ng shortage," pahayag pa ni Lecaros.

Ang mga blangkong pasaporte na umaabot sa 300 piraso bawat kahon ay inoorder pa ng DFA sa Bangko Sentral.

Nabatid na ang pinakamaraming aplikante ng pasaporte ay sa main office ng DFA sa Roxas Blvd. sa Pasay City. Umaabot sa mahigit 1,000 kada araw ang shortage ng pasaporte sa kasalukuyan.

Ayon naman kay Leslie Baja, DFA director for Passport Division, dati ay nakakapagpalabas ng 3,500 pasaporte kada araw ang DFA pero sa kasalukuyan ay mahigit 1,000 na lamang kada araw ang nailalabas na mga pasaporte sa mga aplikante. Inamin din nito na tatlong linggo nang nagkaroon ng passport shortage sa DFA main office.

Inamin rin ni Baja na malaki ang kanilang pagkukulang dahil hindi kaagad umano nakapag-order ang kanyang tanggapan ng mga blangkong pasaporte sa Bangko Sentral.

Anya, isa umano sa makakaresolba sa nasabing problema ay manghihiram ang DFA main office sa mga provincial DFA offices. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments