Sa isyu ng PEACe Bonds, huwag agad husgahan - civil society

Nanawagan kahapon ang civil society sa mga pro-Erap at opposition senators na masyado pang maaga para sabihing nagkaroon ng anomalya kaugnay sa pag-isyu at pagbebenta ng Poverty Eradication and Alleviation Certificates (PEACe) Bonds.

Ayon kay Vic Fabe ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA), bagaman napapanahon sana ang ginaganap na Senate inquiry dahil matatalakay nang husto ang tunay na adhikain ng PEACe Bonds, nakalulungkot lamang umano dahil sa halip na tulungan ng mga senador ang mga mahihirap ay pinag-iinitan pa ito dahil lamang sa mala-tradisyunal na pamumulitika.

Sinabi ni Bobit Librojo, head secretariat ng Kongreso ng Mamamayang Pilipino (KOMPIL II) at secretary general ng Special Democratic Caucus, ang PEACe Bonds ay isang legal na paraan para makalikom ng pondo ang mga non-government organizations (NGOs) para may magamit ang mga ito sa mga proyektong para sa mahihirap.

Aminado si Librojo na hirap sila ngayon na makakuha ng pondo mula sa local at foreign donors kaya’t pinapasok na rin ng mga NGOs ang financial market para makalikom ng pera na aniya ay dati nang kalakaran maging sa Estados Unidos at Europa.

Sinabi ni Librojo, legal ang PEACe Bonds dahil dumaan ito sa tamang proseso mula sa pag-aaral, bidding, pagkuha ng kupon at pagbebenta na rin mismo.

Matatandaang naghain ng resolusyon si Senator Tessie Aquino-Oreta upang imbestigahan ng Senado ang hinggil sa kontrobersya na bumabalot sa PEACe Bonds, matapos nitong madiskubre na umaabot umano sa P1.8 bilyon ang kabuuang kinita ng CODE-NGO sa pagbebenta ng PEACe Bonds, gayong laway at koneksiyon lamang umano ang naging puhunan nito.

Inihayag pa ni Oreta na ipinuhunan muli ng CODE-NGO ang kinita sa PEACe Bonds sa pagbili naman ng government securities at Treasury Bills.

Aniya, walang ibang tunay na ideya sa pagtatayo ng CODE-NGO kundi kumita ng walang puhunan tulad ng pagbebenta ng PEACe Bonds. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments