Kinilala ang dalawang Amerikano na sina Larry Pendarvis at Delaney Davis, kapwa ng Florida at may-ari ng World Class Service at The Davis Place International Internet Services na nag-ooperate ng tatlong websites na umanoy ibinebenta ang mga Filipina bilang asawa at sex commodities.
Sinabi ni Legarda na dapat ideklara bilang undesirable aliens ang mga ito at habambuhay nang hindi makakatuntong ng Pilipinas.
Nabatid na ang tatlong websites - www.filipina.com, www.Filipinawife.com at www.filipinalady.com - ay may mga catalogue umano ng mga Filipina na maaaring mapangasawa ng kanilang mga kliyente. Maaring makita ang mga websites na ito sa pamamagitan ng pagbabayad umano ng $2 (104) hanggang $60 (P3,120).
Binigyang-diin ni Legarda na sa ilalim ng Philippine Anti-Mail-Order Bride Law ay pinarurusahan ng anim hanggang walong taong pagkakulong at multang hindi tataas sa P20,000 ang sinumang sangkot sa ilegal na gawaing ito. Kung ang sangkot ay isang dayuhan ay mahaharap din ito sa deportation proceedings at maaari ring isama sa blacklist.
Pinagtibay ang naturang batas noong 1990 matapos na madiskubre na maraming Pinay na nahikayat ng mga mail-order bride advertisements ay naging prostitutes lamang o di kayay naging battered wives.
Karamihan umano sa mga nabiktima ay walang pinag-aralan at mula sa mga probinsiya. (Ulat ni Rudy Andal)