Walang whitewash sa Mauricio vs Angara - Pangilinan

Tiniyak ni Senator Francis Pangilinan na walang mangyayaring whitewash at magiging parehas siya sakaling ituloy ni Atty. Melanio ‘Batas’ Mauricio ang pagsampa ng kaso sa Senate Committee on Ethics and Privileges laban kay Senator Edgardo Angara.

Ang pahayag ay ginawa ni Pangilinan na siyang chairman ng nasabing komite matapos na mabatid ni Mauricio na kasamahang dati ni Korina Sanchez si Pangilinan sa ABS-CBN Channel 2.

Sinabi ni Mauricio na ang kasong kanyang isasampa laban kay Angara ay batay sa pagtatangka nitong lusawin ang kaso ni Bernadito Inocencio, dating katulong ni Korina na nagharap ng reklamong pambubugbog at pagmamaltrato.

Ito ay nag-ugat nang imbitahan sila ni Angara na kanyang ka-brod sa Sigma Rho fraternity sa Senado sa pag-aakalang nais nitong tumulong kay Inocencio na naghahanap ng katarungan sa sinapit niya mula sa mga kamay umano ni Korina.

Pero nagulat si Mauricio nang kanyang malaman mula kay Angara na gusto pala nitong arborin ang kaso pabor kay Korina. Pero ng malaman ito ni Inocencio ay agad itong nagsabing kahit na bayaran siya ng milyong piso ni Korina ay hindi siya papaareglo .

Ayaw daw niyang mangyaring muli ang mapait niyang karanasan sa mga magiging katulong pa ni Korina at desidido daw siyang isulong ang kaso upang bigyan aral ang dati nitong amo na mapanlait ng mga maliliit na mamamayan gaya niya.

Nagpahiwatig si Mauricio na sasampahan niya ng kaso sa Senate Ethics Committee si Angara dahilan sa ginawa nitong pag-arbor sa kaso ni Korina kahit ka-brother niya ito sa fraternity.

Ayon kay Mauricio biglang bumaba ang kanyang respeto kay Angara na halos ay kanyang sambahin nang tangkain kumbinsihin siya na bitiwan na lamang ang kaso dahil wala namang katotohanan ang mga pahayag ng kanyang kliyente.

Ang pag-uusap nila ni Angara ay nangyari mismo sa loob ng Senator’s lounge ng nakalipas na linggo at nasaksihan pa umano ng dalawang ka-brod nila sa frat. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments