Sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez, kung malaki ang pangangailangan para masuri si Misuari ay wala siyang nakikitang dahilan para ito ay harangin.
Nilinaw ni Perez na kailangang masuri ang tunay na kalusugan ng dating gobernador para na rin sa kaligtasan nito. Naniniwala ang DOJ na ito ay karapatan ninuman kahit pa ito ay isang akusado.
Binigyang diin naman ni Perez na maaari naman silang magpadala ng duktor sa kulungan nito sa Fort Sto. Domingo sa Santa Rosa, Laguna para siya ay suriin.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Perez na ang hindi niya papayagan ay ang kahilingan nitong laptop na may printer.
Nababahala ang DOJ na gamitin lamang ng dating governor ang laptop para humanap ng suporta sa publiko at makapanawagan sa kanyang mga tauhan sa MNLF. Maaari rin umanong gamitin ni Misuari ang naturang laptop para sa internet kaya ito ay lubha ring mapanganib.
Idinagdag ni Perez na pag-uusapan pa nila ni DILG Secretary Joey Lina kung dapat payagan ang hinihingi nitong media access.
Samantala, nasasabik na at nakahanda na rin sa kanyang ilalatag na depensa si Misuari kaugnay ng nalalapit na paglilitis sa kasong rebelyon na kinakaharap nito.
Ayon kay PNP Spokesman, Chief Supt. Cresencio Maralit, nasa maayos na kondisyon si Misuari sa kulungan at malaking tulong ang ipapatayong "courthouse" upang hindi na ibiyahe si Misuari sa malayong lugar sa tuwing lilitisin at mas mame-maintain at masisiguro ang peace and order. (Ulat nina Grace Amargo at Joy Cantos)