Sa isang press conference pagkatapos magtalumpati sa anibersaryo ng Makati Business Club sa Hotel Intercontinental kahapon, sinabi ng Pangulo na kaya niyang ibigay sa publiko ang mga kailangang impormasyon hinggil sa magkasanib na pagsasanay ng militar.
"Ang hindi ko gusto ay ihayag niya sa publiko ang kanyang reserbasyon. Alam naman nating mayroon siyang reserbasyon ukol dito. Hindi magandang tingnan na talakayin pa niya ito sa publiko dahil nabibilang kami sa iisang pangkat," sabi ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na sa gobyerno lalo na sa sangay ng Executive, lahat ng opisyal ay kailangang magsalita sa iisang tinig lamang.
Hindi naman anya niya binabawalan ang mga miyembro ng Gabinete na maghayag ng pagtutol o magbigay ng sariling opinyon sa isang panukala kung sila-sila lamang sa isang pagpupulong.
Ang paglilinaw ay ginawa ng Pangulo dahil sa hindi pagsipot ni Guingona sa Senate hearing na nagsusuri sa Balikatan program.
Sinabi ni Sen. Blas Ople na nagpasabi si Guingona na hindi siya makakadalo sa hearing dahil mayroong direktiba ang Pangulo na huwag nang talakayin pa sa publiko ang naiiba niyang opinyon hinggil sa Balikatan.
Sinabi rin ni Ople na sakaling hindi uli makakadalo si Guingona sa susunod na public hearing sa Huwebes ay mapipilitan silang pilitin ito. (Ulat ni Lilia Tolentino)