Ito ang tugon ng Hukuman sa kahilingan ng Department of Justice (DOJ) na ilipat ang venue ng paglilitis mula sa Jolo, Sulu at gawin ito sa lugar na kinapipiitan ni Misuari. Layunin nito na maging patas ang paglilitis at maiwasan ang miscarriage of justice.
Kasabay nito, inatasan din ng SC ang PNP na higpitan pa ang seguridad sa lalawigan ng Laguna laban sa mga supporters ni Misuari na posibleng maghasik ng ligalig.
Sa isang panayam kay DOJ Usec. Manuel Teehankee, sinabi niya na hahawakan ni Judge Norberto Geraldez ng Branch 36 ng Laguna RTC sa Calamba ang kaso ni Misuari habang hindi pa nagagawa ang sala na pagdarausan ng trial sa loob ng kampo.
Samantala, ibinigay naman ng Korte sa DOJ, DILG at BJMP ang kapangyarihan na magpasya kung nararapat pa na isailalim si Misuari sa medical check-up, bigyan ng laptop computer na may printer at media access.
Hindi anya sasaklawan ng Korte ang mga nasabing kagawaran sa kapangyarihan nitong magdesisyon hinggil sa nasabing usapin.
Nauna nang hinarang ng DOJ sa Korte ang mga kahilingang ito ng dating gobernador dahil itoy makakaapekto sa security of justice.
Sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez na hindi na umano kailangan ni Misuari na magpasuri sa doktor dahil na-medical checkup na ito bago pa man ipinasok sa detention cell nito sa Fort Sto. Domingo.
Ikinasiya rin ng Malacañang ang naging desisyon ng Korte na sa loob na lamang ng Fort Sto. Domingo idaos ang paglilitis kay Misuari.
Ayon kay Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao na mas magiging mabilis ang pag-usad ng kaso ng rebel chief upang agad na malaman kung mayroon o wala itong kasalanan sa kasong rebelyon.
Sinabi ni PNP Spokesman, P/Chief Supt. Crescencio Maralit, inatasan na ang PNP Engineering Division na umpisahan ngayon ang konstruksiyon kung saan sa inilaang P2.9 milyong pondo, kasama sa pagkakagastusan ay ang sala, defense prosecution at ang chamber ng tatayong hukom sa mga paglilitis, gayundin ang isang main conference room. (Ulat nina Grace Amargo at Ely Saludar)