Sa ulat ng pulisya, natagpuan ni Antonio Danoto, 26, may asawa, residente ng Sitio Quarry, Bgy. San Jose, ang kalansay ng isang batang babae na nakalagay sa sako dakong alas-9 ng umaga.
Sa salaysay ni Danoto, naglalakad siya dakong alas-10 ng gabi noong nakaraang Sabado papauwi buhat sa trabaho ng magpakita sa kanya ang isang bata sa matalahib na bahagi ng lugar, ngunit bigla ring nawala.
Sa takot, agad siyang umuwi pero sa bahay ay hindi siya mapakali at may kung anong nag-uudyok sa kanya para bumalik sa pinagkitaan sa bata.
Kinaumagahan nga ay binalikan nito ang naturang lugar at dito niya nadiskubre ang naturang sako na naglalaman ng kalansay ng isang paslit.
Ayon kay SPO1 Reynaldo Anclote, ng Antipolo police station, posibleng ang kalansay ay ang nawawalang si Mary Joy Roilaq, 7, residente ng naturang lugar.
Nabatid na mula pa noong Hulyo 1999 nawala ang bata at matagal ding hinanap ng mga magulang.
May teorya ang pulisya na maaaring ginahasa ang biktima bago binagsakan ng bato sa ulo dahil sa malaking basag sa bungo ng kalansay.
Dinala na ang bangkay sa PNP Crime lab upang makilala ng tuluyan at isailalim sa awtopsiya. Umaasa naman ang pamilya nito na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng anak at mahuli ang mga suspek. (Ulat ni Danilo Garcia)