Ayon kay Soriano, sa taong ito ay aabot sa 1 milyong bilang ng mga OFWs ang namasukan sa ibat ibang bansa sanhi upang lalo pang tataas ang dollar remittances ng tinaguriang mga bagong bayani.
Anya, naging isang malaking tulong sa pagbuti ng ekonomiya hindi lamang ng Pilipinas ang pagpanumbalik ng kumpiyansa ng mga OFWs na bumalik sa mga bansang dati nilang pinaglilingkuran, partikular na sa bandang Gitnang Silangan na naapektuhan sa Sept. 11 US bombings.
Base na rin umano sa rekord ng OWWA ay umaabot sa $5 bilyon ang naipapadalang dolyares ng mga OFWs kada taon sa bansa sanhi upang lalong gumanda at maging matatag ang daloy ng ekonomiya ng Pilipinas.
Samantala, muling inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang malaking pagkakataon umano sa lahat ng mga Filipino engineers, contractors at mga contract workers ang magkaroon ng trabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Vice President at DFA Secretary Teofisto Guingona, nakatakdang magpadala ng mga OFWs ang pamahalaan na may kaalaman sa larangan ng konstruksyon sa Afghanistan para sa gagawing rehabilitasyon ng nasabing bansa.
Anya, karagdagang trabaho at kita umano ito para sa mga kababayan nating nagnanais na mamasukan sa ibang bansa. (Ulat ni Rose Tamayo)