Rep. Nograles kinondena ng NUJP

Mariing kinondena kahapon ng isang samahan ng mga mamamahayag si Davao City Rep. Prospero Nograles dahil sa paggamit umano nito ng kanyang impluwensya upang i-harass ang publisher, managing editor at reporter ng isang tabloid na sinampahan niya ng 55 counts of libel.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), maliwanag na ginagamit umano ni Nograles ang kanyang posisyon upang maipakulong ang ilang miyembro ng media na sinampahan niya ng kaso.

Naganap ang insidente noong Enero 11 nang tangkain ng ilang miyembro ng Western Police District at tatlong pulis mula sa Davao City na arestuhin sina Butch Macasaet, publisher ng isang tabloid (Abante Tonite) at Nick Quijano, Managing Editor, sa pamamagitan ng isang arrest warrant kahit na araw ng Biyernes.

Maging si Bernard Taguinod, ang reporter na nagsulat ng Burlesk King isyu kung saan nasabit ang pangalan ni Nograles ay tinangka ring hulihin sa loob mismo ng Media Center ng House of Representatives subalit hindi lamang ito naabutan ng mga nasabing pulis.

Ang mga nabanggit ay nakapagbayad na ng kanilang bail bond bago pa man ipalabas ang warrant of arrest laban sa kanila.

Kaugnay nito’y hiniling ng NUJP kay DILG Secretary Jose D. Lina na imbestigahan ang mga nasabing kasapi ng PNP na pinamunuan ng isang SPO4 Zozobradon dahil sa pagiging ignorante umano ng mga ito sa batas.

Mayroong kasunduan ang National Press Club at ang DILG na hindi maaaring hulihin ang isang miyembro ng media sa araw na wala nang opisina ang korte.

Dapat din aniyang imbestigahan ang mga pulis mula sa Davao City sa posibleng paglabag sa Code of Ethical Standards para sa mga public servants matapos ng mga itong aminin na sa Holiday Inn pa sila tumuloy. Karapatan umano ng publiko na malaman kung sino ang nagbayad ng bill ng mga pulis.

Sinabi naman ni Nograles na siya ang complainant at biktima sa nasabing Burlesk King isyu at nasa korte na ang kaso kaya hindi na ito dapat tinatalakay sa media.

Sa press statement naman ni Ares Gutierrez, national director ng NUJP at co-chairman ng Commission for the Protection of Journalist, hindi umano dapat gayahin ni Nograles ang ginawa ni Rep. Anacleto Saludo na nagtangkang ipakulong o pigilin si People’s Journal reporter Estrelita Valderama dahil lamang sa pagtupad nito sa kanyang tungkulin bilang isang mamamahayag matapos na hindi nito isiwalat sa publiko ang kanyang source sa kanyang istorya.

Sinabi pa ni Gutierrez na nakakalungkot umano ang mga nagiging aksyon ng Kongreso sa ikaapat na estado ng Lipunan at nakahanda umano ang NUJP na makiisa sa House Ethics Committee kung magsasagawa ang mga ito ng kaukulang aksyon upang maitama ang umano’y mga ginagawang kamalian ng mga miyembro ng House na kinikilala pa naman umanong mga honorableng tao sa lipunan. (Ulat nina Ellen Fernando at Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments