Nabatid mula sa isang source buhat sa DOJ na tumangging magpabanggit ng pangalan, nagkasundo umano ang mga piskal na isampa ang kasong attempted, frustrated at consummated murder laban sa mga akusado sa naturang krimen.
Sinabi ng source na ang pinag-aaralan na lamang ngayon ng panel of prosecutors ng DOJ ay kung sinu-sino sa walong akusado ang kanilang kakasuhan.
Iginiit din ng impormante na ang mga pangalan na tiyak na mapapasama sa mga kakasuhan ay sina Hadji Onos alyas Muklis, Sammy Arinday at Col. Efren Torres. Malakas umano ang kaso dulot ng mga ebidensyang ipinrisinta ng mga testigo laban kina Onos, Arinday at Torres.
Si Torres ang sinasabing nagbigay ng P25,000 halaga sa iba pang kasabwat sa krimen at si Arinday naman ang naglagay umano ng black powder sa loob ng LRT. Positibo rin namang nakita sina Arinday at Onos sa pinangyarihan ng krimen buhat na rin sa ibinigay na testimonya ng mga testigo.
Nagdesisyon ang DOJ na isampa ang kaso sa korte dahil sa makailang ulit na inisnab ng mga akusado ang inihaing subpoena laban sa kanila. Patuloy pa rin sa pagtatago ang mga nasabing akusado.
Ang pinag-aaralan na lamang ngayon ng panel of prosecutors ay kung tuluyan nilang ididismis ang kaso laban sa nalalabing akusado sa krimen na kinabibilangan nina Amir Dimaamo, Salvin Camama, Ibrahim Guindolongan, Roberto Ongot at Rogelio Cagodas.
Mahina umano ang mga ebidensya laban sa limang akusadong ito kayat malamang na hindi na ituloy ng piskalya ang paghaharap ng kaso sa hukuman.
Matatandaan na isinagawa ang serye ng pambobomba sa LRT Blumentritt station, Plaza Ferguson sa harap ng US Embassy, Petron gasoline station sa Makati, Edsan bus line sa Cubao at Ninoy Aquino International Airport. (Ulat ni Grace Amargo)