Sinabi ni Justice Undersecretary Manuel AJ Teehankee na nais nilang matukoy kung may mga Filipino na sangkot sa naturang sindikato kayat napapasama sa mga pagpipilian ang mga aplikanteng Filipina.
Magugunita na una nang ibinunyag ni Senate Majority Floor Leader Loren Legarda na ang dalawang kompanya na utak sa mail-order bride ay ang Davis Place International Internet Services at World Class Service.
Ito ay may websites na www.filipina.com at www.filipina lady.com kung saan ay ibinebenta na lamang umano ang nasabing mga Filipina sa halagang nakapresyo rito.
Batay sa ulat, ipinalalabas sa internet ang larawan at pagkakakilanlan ng naturang mga babae na maaaring gawing asawa sa oras na ito ay piliin.
Nangangamba ang DOJ na mapunta na lamang sa prostitusyon ang mga babaeng pagpipilian sa naturang kompanya. Naniniwala ang DOJ na maraming kapit-sa-patalim na mga kababaihan ang kakagatin ang ganitong mga propaganda dahil na rin sa kawalan ng sapat na trabaho at matinding kahirapan sa bansa.
Minsan na ring pinaimbestigahan ng DOJ sa NBI noong 1999 ang isa pang mail-order bride ng grupong moonies na nakabase sa South Korea. Ang mga Filipina ay nire-recruit patungong Korea para gawing asawa kapalit ng malaking halaga at magandang benepisyo. (Ulat ni Grace Amargo)