Sa kanyang liham kay Pangulong Arroyo, hiniling ni Rodriguez na huwag na siyang muling italaga sa posisyon upang hindi na maging kahihiyan pa sa Pangulo sakaling muli na namang siyang ma-bypass.
"Out of delicadeza and to prevent any embarrassment on the appointing authority if I am not confirmed, may I request that I not be reappointed to the said position," nakasaad sa liham ni Rodriguez.
Nabatid kay Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao na tinanggap na ng Pangulo ang pagbibitiw ni Rodriguez.
Kaugnay nito, inatasan kahapon ni Pangulong Arroyo ang mga hindi pa kumpirmadong Gabinete na mangampanya sa mga miyembro ng CA. Dapat anya nilang makumbinsi ang CA na karapat-dapat sila na manungkulan sa gobyerno at kuwalipikado sa posisyon.
Pinayuhan rin ng Pangulo ang kanyang mga Gabinete na magpaliwanag sa mga CA members hinggil sa mga isyu na ibinabato sa mga ito.
Ilan sa gabinete ng Pangulo na sinasabing mahihirapang lumusot sa CA dahil sa pagkakasangkot sa ibat ibang kontrobersiya ay sina Transportation Sec. Pantaleon Alvarez, Environment Sec. Heherson Alvarez, Justice Sec. Hernando Perez at Finance Sec. Isidro Camacho.
Samantala, muling isinumite ng Malacañang ang appointment ng mga Cabinet members sa CA matapos na ma-bypass sa nakaraang sesyon. (Ulat ni Ely Saludar)