Erap, GMA loyalists magra-riot!

Nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) sa unang taong anibersaryo ng EDSA Dos sa Enero 20 bunga na rin ng pinangangambahang pagsasagupa ng mga Erap loyalists at mga supporter ni Pangulong Arroyo.

Sinabi ni PNP Spokesman, P/Chief Supt. Crescencio Maralit na nakahanda na para dito ang buong puwersa ng National Capital Regional Police Office (NCRPO)upang hadlangan ang posibleng pagsiklab ng karahasan.

Siniguro ng mga opisyal ng PNP na hindi nila papayagan na magpang-abot ang mga Erap loyalists at mga supporter ni Pangulong Arroyo sakaling parehong magsagawa ang mga ito ng pagkilos upang gunitain ang kahalagahan ng nasabing petsa.

Sa kabila nito, tiwala naman si Maralit na hindi magsasagawa ng malawakang karahasan ang mga loyalista ni Estrada dahil natuto na umano ang mga ito ng leksiyon nang magsagawa ng sariling bersyon ng People Power 3 na naging madugo noong nakaraang taon.

Magugunita na nang lusubin ng mga Erap loyalists ang Palasyo ng Malacañang noong nakalipas na Mayo 1 sa umano’y pagtatangkang agawin ang kapangyarihan kay Pangulong Arroyo ay isang pulis ang namatay habang maraming sibilyan ang nasugatan.

Inihayag rin ni Maralit na wala pa naman umanong partikular na report na natatanggap ang PNP hinggil sa anumang ilulunsad na bayolenteng protesta ng mga loyalista ng dating pangulo ngunit ito umano ang maigting nang pinag-uusapan ngayon ng liderato ng hukbo upang makapagpatupad ng karampatang "security measures."

Nabatid pa kay Maralit na kasalukuyan pa nilang inaalam ang sitwasyon para sa deployment ng mga pulis sa mga lugar na pinangangambahang dayuhin ng magkalabang grupo. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments