Japanese Prime Minister nasa RP na

Dumating na sa bansa kahapon si Japanese Prime Minister Junichiro Koizumi sa pag-uumpisa ng kanyang Asian tour upang pagtibayin ang relasyon ng Japan at ibang bansa sa South Asia.

Si Koizumi, kasama ang mahigit 30 Cabinet ministers ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport eksaktong 1:25 ng hapon sakay ng isang Japanese government plane flight 001 buhat sa Tokyo. Si Koizumi ang unang foreign leader na bumisita sa Pilipinas ngayong taong 2002.

Pinangunahan ni Vice President at Foreign Secretary Teofisto Guingona, kasama si Japanese Ambassador Yoshihisa Ara, Finance Secretary Jose Isidro Camacho at Amb. Domingo Siazon, ang pagsalubong sa Prime Minister.

Buhat sa airport, pumunta si Koizumi sa Luneta Park kung saan nag-alay ito ng bulaklak sa monumento ni Dr. Jose Rizal.

Nakatakdang makipagpulong si Koizumi kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacañang upang pag-usapan ang Official Development Assistance (ODA) sa trade at investment, health at culture, public works at kooperasyon sa transnational crime at terrorism.

Ang Pilipinas ay pangatlo sa pinakamalaking may natanggap na ODA kung saan nakatanggap na ang bansa ng US$8.83 bilyong foreign aid.

Ang bansang Hapon ay ang top donor sa Pilipinas at pangalawa naman sa pinakamalaking trading partner ng Pilipinas.

Pangalawa rin ang Japan sa mga foreign investors, pangalawa sa pinanggagalingan ng turista at isang major destination din ng mga overseas Filipino workers kung saan umabot sa 177,000 OFWs ang nagtatrabaho dito. (Ulat ni Butch M. Quejada)

Show comments