7 naarestong aide ni Nur susuyuin ng DOJ para bumaligtad

Hihikayatin umano ng Department of Justice (DOJ) ang naarestong pitong tauhan ni dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Nur Misuari na bumaligtad para magamit na testigo.

Sinabi ni DOJ Witness Protection Program (WPP) Director Senior State Prosecutor Leo Dacera na maaaring gamiting mga testigo ang mga tauhan ni Misuari at tumayong state witness laban sa dating ARMM governor.

Hinihintay na lamang niya ang pormal na kautusan mula kay Chief State Prosecutor Jovencito Zuno para kausapin ang pitong Muslim at kumbinsihin na bumaligtad laban sa dating ARMM governor.

Batay sa rekord ng DOJ at sa mga testimonyang nakalap nito mula sa may 40 mga testigo, itinuro si Misuari na kasama ang pito nitong tauhan sa pagsakalay sa tatlong kampo ng militar at isang istasyon ng pulisya sa Jolo, Sulu. Naging dahilan naman ito para sampahan ng kasong rebelyon si Misuari at ang mga tauhan nito sa MNLF at ilang lider ng Abu Sayyaf Group (ASG) tulad nina Ghalib Andang alyas Kumander Robot, Radullah Sahiron at Mujib Susukan.

Idinagdag pa ni Dacera na ang naturang mga akusado rin umano ang maaaring makapagpatunay na kasabwat ang Abu Sayyaf sa naturang pagsalakay sa Sulu.

Ang pitong naaresto sa Malaysia kasama ni Misuari ay sina Bakil Annay Harun, Johan Sawadjaan San Sanzibar, Akil Abdurahman Abdur, Addin Esguerra iIhamel, Gamar bin Abad Abd Razak, Omar bin Abdullah at Abu Haris Osman. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments