Sa sulat sa BI, hiniling ni BSP deputy governor Alberto Reyes na magpalabas ng watch list order para kina Japanese businessman Genta Ogami, Motohiko Hagisaka, Fuginori Tada, Hiyoshi Haneda, Lorena Oba at mga Filipino na sina Winefredo Capilitan, Jose Apolinario Jr., Daniel Quilatan, Elmer Magpantay, Marcelo Vasquez Jr. at Evelyn Mansit.
Nabatid na hindi umano nabayaran ng bangko ang mga depositor nito dahilan para magdeklara ng bank holiday ang Unitrust noong nakaraang Enero 4.
Kaugnay nito, sinisi kahapon ng isang mambabatas ang Central Bank at Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa pagkabigo ng mga itong madiskubre kaagad ang maanomalyang aktibidad ni Ogami.
Sa House Resolution na inihain kahapon ni Cagayan de Oro Rep. Constantino Jaraula, sinabi nito na nabigo ang CB at SEC na bigyan ng proteksiyon ang napakaraming Filipino na naloko sa pyramid scam ni Ogami.
Hiniling ni Jaraula sa House committee on banks and financial enterprises na imbestigahan ang CB at SEC kung bakit hindi namonitor ng mga ito ang kompanyang pag-aari ni Ogami na nagawa pang bilhin ang Unitrust Bank gayong nasentensiyahan na siya sa bansang Japan sa kanyang "pyramid scheme."
Lumalabas na minaliit umano ni Ogami ang batas, habits at customs ng mga Pinoy nang ilipat niya ang kanyang operasyon sa bansa.
Dahil sa dami ng Filipino na naglagak at nag-invest sa G. Cosmos ay problema ng mga ito ngayon kung kanino hahabulin ang kanilang salapi. (Ulat nina Rey Arquiza at Malou Rongalerios-Escudero)