Sinabi ni Secretary Pantaleon Alvarez, na muli niyang ibinabalik ang naturang dress code upang mabigyang dignidad umano ang propesyon ng mga driver sa bansa.
Unang iniutos ni dating Secretary Vicente Rivera Jr., ang implementasyon nito kung saan inaatasan ang mga driver ng pampublikong jeep na magsuot ng kulay asul na polo o polo-shirt, pantalon at sapatos tuwing mamamasada sila.
Nararapat namang magsuot ng kulay puting polo o polo shirt, sapatos at pantalon naman ang mga driver ng mga taxi at bus.
Nakatakda namang magsagawa muli ng panghuhuli ang mga traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at flying squads ng Land Transportation Office (LTO).
Ang mga mahuhuling lalabag dito ay papatawan ng parusang P100 sa unang paglabag, P300 sa ikalawa at P500 sa ikatlong paglabag dito. Nakatakdang kanselahin naman ang rehistro sa dami ng kanilang bayolasyon.
Sinabi ni Alvarez na makakadagdag puntos ito sa turismo ng bansa kung saan magiging magandang tingnan ang hitsura ng mga driver sa bansa. (Ulat ni Danilo Garcia)