Drilon handang bumaba sa posisyon

Nakahanda si Senate President Franklin Drilon na bumaba sa kanyang puwesto sa sandaling makakuha ng mayoryang boto ang mga oposisyon sa pagbubukas ng Senado sa darating na Enero 14.

Sinabi ni Sen. Drilon na hindi siya magpupumilit na manatili sa kanyang posisyon bilang pangulo ng Senado kung majority ng miyembro nito ay ayaw na sa kanyang liderato.

"Kung sakaling makakuha ng 13 boto ang oposisyon para makuha ang liderato ng Mataas na Kapulungan ay nakahanda naman akong bumaba sa aking puwesto," wika ni Drilon.

Inamin naman ni Sen. John Osmeña na "humihina" ang liderato ni Drilon kaya diskuntento ang dalawang kaalyado sa administration bloc na nakatakdang lumipat sa oposisyon.

Sa panayam, sinabi ni Osmeña na kailangang kumilos agad si Drilon dahil mahirap na talaga ang kalagayan niya sa bawat senador.

"Mahirap na talaga ang kalagayan niya (Drilon) sa bawat senador kaya kailangang himas-himasin niya," giit ni Osmeña.

Ibinabala rin nina Senador Blas Ople at Gregorio Honasan na unti-unting nababawasan ang kaalyado ng administrasyon sa Senado matapos magbantang kakalas at lilipat ang dalawang administration senators sa oposisyon.

Pinayuhan ni Osmena si Drilon na doblehin ang pagkilos nito upang hindi maunahan ng oposisyon sa pamamagitan ng "paggapang" sa kaalyado ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments