Suweldo ng militar dadagdagan ng Kongreso

Sa pamamagitan ng pagpasa ng isang batas, dadagdagan ng Kongreso ang suweldo ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na karamihan ay sumasagupa ngayon sa nangyayaring kaguluhan sa Mindanao.

Sa House Bill No. 3938 na inihain ni Manila Rep. Mark Jimenez, napag-alaman na ang Pilipinas ang isa sa mga bansang may pinaka-aping sundalo base sa iba’t ibang international studies.

Natuklasan sa pananaliksik na isinagawa ng Rand Corporation na malayong-malayo ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya pagdating sa pangangalaga ng kanilang armed forces.

Mula sa ranggong Master Sergeant pababa, kumikita lamang ang isang sundalo ng P232 kada-araw at kakaltasan pa ito ng iba’t ibang payments tulad ng loans, GSIS at iba pa.

Ang mga opisyal naman ng AFP ay napakaliit ng suweldo kumpara sa kanilang counterpart sa PNP at iba pang civil employee ng gobyerno.

Sa Singapore, ang bansang maliit ng limampung beses sa Pilipinas ay nakapaglaan ng US$4.3 billion para sa kanilang armed forces noon pang 1998; sa Thailand naman, sa kabila ng krisis sa ekonomiya, naglaan pa rin sila ng US$1.8 billion noong 2000; samantalang sa Malaysia bagama’t bumaba ang kanilang pondo para sa depensa, naglaan sila noong 1999 ng US$2.1 billion.

Sa kabila naman ng pagbagsak ng Rupiah, napanatili ng Indonesia ang kanilang defense budget sa US$1.3 billion.

Pinaglaanan ng Malaysia ng 2.03% ng kanilang Gross Domestic Products ang kanilang defense; 4.5% ng Singapore at 5% naman ng GDP ng Brunei ang ibinibigay sa kanilang militar.

Kung ikukumpara ang Pilipinas, lumalabas na pinakakulelat ito na 1.5% lamang ng GDP ang inilalaan sa military.

Lumabas sa pag-aaral ng National Economic Development Authority (NEDA) na ang enlisted men ng Pilipinas ay kapus na kapos para sa pagkain, tirahan, kasuotan at panggastos sa pag-aaral ng kanilang mga anak. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments