Para maragdagan ang kita na ipinadadala nila sa pamilya sa Pilipinas, gumagawa rin sila ng sideline para kahit paano ay magkaroon ng dagdag na pagkakaperahan dahil sa humihirap nang kalagayang pangkabuhayan.
Ayon kay Madeline Makil ng Ilocos Sur, ang sideline niya kung Linggo ay magmasahe dahil sayang din ang kikitain niyang umaabot sa H$15.
Ang iba naman tulad ni Gng. Gloria Mayuga ay nangungumisyon sa pag-aalok ng hulugang lote at bahay na mayroon nang itinatag na upisina sa Hong Kong.
Ayon naman kay Philippine Consul General Zenaida Angara Collinson, ang ibang OFWs ay namamasada ng taxi o iba pang uri ng sasakyan.
Noong una, ito ay ipinagbawal ng pamahalaang Hong Kong sa mga may kontratang OFWs. Pero, dahil nais namang mabigyan ng pagkakataon sa empleyo ang iba pang dayuhan sa teritoryo, sinabi ni Collinson na nilakad nila ito sa mga awtoridad hanggang bigyang pahintulot ang mga Pinoy na makapag-sideline sa taxi sa loob lang ng ilang oras at hindi full-time. (Ulat ni Lilia Tolentino)