Ayon kay Immigration Commissioner Andrea Domingo, nangako si Marcelo na boluntaryong magpupunta sa BI para sa imbestigasyon at patunayan na siya ay isang Filipino, subalit hanggang kahapon ng hapon ay hindi ito nagpakita.
Tanging ang abogado nito, na nakilalang si Atty. dela Serna ang nagpunta sa BI pero bigo nitong maipaliwanag kung bakit hindi nito kasama si Marcelo.
Ayon kay Domingo, magpapalabas siya ngayon ng isang warrantless arrest kay Marcelo kung saan inatasan niya si Associate Commissioner Orly Dixon na isilbi ang order laban kay Marcelo.
Kung matatandaan, si Marcelo ay naging sentro ng imbestigasyon ng Immigration dahil sa pagkabigo nitong ideklara ang kanyang American citizenship nang mag-aplay para sa isang franchise to operate ng isang telecommunications company sa bansa.
Sa kanyang travel records na nakuha mula sa computer files ng Immigration, gumamit si Marcelo ng isang US passport simula noong Agosto 1996.
Sa nasabi ring record ay nakita na si Marcelo ay isang balikbayan o tourist sa tuwing pumapasok siya sa bansa. Ang balikbayah visa ay kadalasang ibinibigay sa isang dating Filipino citizen at pinagkakalooban ng pribilehiyo na manatili sa bansa sa loob ng isang taon mula sa petsa ng kanilang pagdating.
Sa ilalim ng Philippine immigration laws, ipinagbabawal sa isang dayuhan na magtayo ng negosyo sa bansa nang hindi nag-aaplay ng working o investors visa. Kailangan rin nitong magparehistro bilang alien at kumuha ng alien certificate of registration.
Nakasaad din sa 1987 Constitution na bawal sa isang dayuhan na magmay-ari ng mahigit sa 40% ng shares ng isang kumpanya na ang negosyo ay telecommunication. (Ulat ni Butch Quejada)