Ayon sa source na di nagpabanggit ng pangalan, tukoy na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay kay Cervantes at isang cartographic sketch nito ang ipinalabas kahapon.
Makikialam na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon ng kaso para sa mas mabilisang pagresolba sa krimen, pero nilinaw ni Justice Secretary Hernando Perez na tutulong lamang ang NBI sa PNP para sa pagkalap ng mga ebidensiya, pagtukoy sa motibo ng krimen at kung sino ang utak dito.
May hawak na ring mga testigo at magandang lead ang PNP kung saan lumutang ang anggulong personal, atraso o panloob na hidwaan dahil bago pinaslang si Cervantes ay may naganap na umanong pagtatalo sa pagitan ng biktima at iba pang miyembro at opisyal ng RAM-YOU.
Nakatakda namang ipatawag ng pulisya si Council on Philippine Affairs (COPA) councilor general Pastor Boy Saycon at ilan sa gagamiting ebidensiya ang mga impormasyon na ibinunyag sa kanya ni Cervantes nang nabubuhay pa ito.
Gayunman, isang source sa Camp Crame ang nagsabi na ang dokumentong ibinigay ni Cervantes kay Saycon ay may kaugnayan sa nilulutong "destabilization plot" laban sa Arroyo administration.
Sinasabing ibinunyag umano ni Cervantes ang "paskudeta" laban sa pamahalaang Arroyo matapos ang isinagawang pagpupulong ng RAM sa Puerto Azul sa Cavite.
Posible rin aniyang ipatawag si Col. Romeo Lim, miyembro ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM), ang opisyal na nakalaban ni Cervantes at nagbunyag sa isang programa sa telebisyon na nagdadawit sa pangalan nina Sen. Panfilo Lacson at dating PNP chief director Gen. Roberto Lastimoso.
Inihayag ni Lim na nang nabubuhay pa si Cervantes ay hinihingan umano nito ng halagang P3 milyon si Lastimoso para protektahan siya ng YOU, samantala sa panig ni Lacson ay hindi nito nilinaw kung ano ang naging kaugnayan ng biktima sa mambabatas. (Ulat nina Lordeth Bonilla/Joy Cantos/Lilia Tolentino/Ellen Fernando)