Ito ang inihayag kahapon ni PNP Directorate for Police Community Relations,P/Director Thompson Lantion ukol sa kaso ng pagpaslang kay Cervantes.
"Were investigating all angles, including internal conflict among YOU officers and members in the death of Cervantes", ani Lantion.
Si Cervantes, 35 anyos, spokesman ng isang paksiyon ng YOU, residente ng 25 Evangeline St., BF Resort Village, Las Piñas City ay binaril ng nag-iisang suspek dakong alas- 6 ng gabi sa harapan ng Jubileaum Drug Store sa Zapote-Alabang Road ng nasabing lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon na nakaupo ang biktima sa harapan ng nasabing botika at umano ay may hinihintay nang lapitan at barilin ng suspek ang ulo ni Cervantes na nagwika pa ng "Sir, pasensiya na po at naniningil lang kami ng pautang".
Pagkatapos ay mabilis tumakas lulan ng isang kulay puting Honda Civic patungo sa direksiyon ng Alabang.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang basyo ng bala ng 9MM caliber na siyang ginamit sa pamamaslang.
Hindi na nagawang maisalba ng mga doktor sa Perpetual Medical Center ang buhay ni Cervantes nang bawian ito ng buhay dakong alas-8:16 ng gabi.
Samantala, sinabi naman ni Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo na may hinala siyang may motibong pulitika ang pagkapaslang kay Cervantes.
Gayunman tumanggi ang Pangulo na magbigay ng anumang detalye sa isyu ng pagkakapaslang kay Cervantes na siyang nagbunyag ukol sa umanoy sekretong pagpupulong ng RAM at YOU sa isang beach resort sa Cavite noong Disyembre 15 para umano iplano ang isang kudeta laban sa pamahalaang Arroyo. (Ulat nina Joy Cantos,Lilia Tolentino at Lordeth Bonilla)