Travel advisory ng Britanya binatikos

Mariing binatikos kahapon ng mga opisyal ng Mindanao ang ipinalabas na travel advisory ng British Embassy na nagbabawal sa kanilang mga mamamayan na pumunta sa nasabing lalawigan.

Sinabi ni Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri na walang basehan ang nasabing pinakahuling travel advisory kung saan isinama ang Bukidnon sa mga lugar na hindi umano dapat puntahan.

"Wala silang kaalam-alam sa nangyayari sa aming probinsiya. Hindi nila alam na ito ang pinaka-maunlad at pinakatahimik na lugar sa Mindanao," pahayag ni Zubiri.

Mas ligtas pa aniyang maglakad sa mga lansangan ng Malaybalay, ang kapitolyo ng Bukidnon, kaysa sa Belfast, Northern Ireland.

Sinabi naman ni Bukidnon Governor Jose Zubiri na bagaman at parte ng Mindanao ang kanilang probinsiya ay lubhang malayo naman ito sa tinatawag na "hot spots."

Kung mapupuna umano ay hindi naman kasama ang Bukidnon sa travel advisory na naunang ipinalabas ng United States, France, Japan at Canada.

"Walang car bombs sa Bukidnon, walang racial riots at walang touring hooligans," sabi ni Gov. Zubiri. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments