Kinilala ni PNP Spokesman C/Supt. Crescencio Maralit ang napatay na si Jose Segundo, mayor ng munisipalidad ng Tubo. Namatay ito habang isinusugod sa Cervantes Hospital matapos magtamo ng mga tama ng bala ng di pa mabatid na kalibre ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Maralit, hindi pa nila masasabi kung mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang bumanat sa biktima ngunit isa umano ito sa anggulo na masusi nilang iniimbestigahan sa kasalukuyan.
Sakali namang mapatunayang NPA rebels ang may kagagawan ng pagpaslang ay patunay anya ito ng direktang paglabag sa umiiral na ceasefire.
Samantala hindi rin inaalis ang posibilidad na may kinalaman sa pulitika ang motibo sa krimen.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-7 ng umaga nang harangin ng isang grupo ng mga armadong lalaki ang sasakyan ni Segundo habang bumabagtas sa bisinidad ng Brgy. Tubtuba, Tubo.
Napag-alaman na patungo ang mayor sa kalapit na Brgy. Dilong sa bayan rin ng Tubo nang harangin ng mga suspek ang sasakyan ng biktima at sunud-sunod na paulanan ng bala ang mayor ng mga nakaposisyong suspek.
Nabatid sa report na hindi tinantanan ng mga suspek ang biktima at sinigurong patay na ito bago iniwan at nagsitakas.
Isang hot pursuit operation na ang inilunsad ng pulisya laban sa mga salarin. (Ulat ni Joy Cantos)