Kinilala ang mga suspek na sina Zhang Zimeng; Li Chun Tsai; Tui Sui Chen alyas Ana; Cu Un Hai alyas Carlito Co; Li Siu Chin; Noel Dizon Chua at Carlos Chan Tan, pawang mga kasapi ng bigtime international drug syndicate na nagsasagawa ng operasyon sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Chief Leandro Mendoza, nagsagawa ng operasyon ang pamunuan ng PNP Narcotics Group (Nargroup), Anti-Carnapping Division na pinamunuan ni Chief Insp. Napoleon Villegas sa pakikipag-koordinasyon kay Regional Intelligence Special Operation Office Chief, C/Supt. Federico Laciste,Jr; Metro Manila Drug Enforcement Group at national Capital Regional Police Office makaraang matanggap ang warrant of arrest na ipinalabas ni Pasay City Regional Trial Court Judge Vicente Yap ng Branch 114 noong Disyembre 20, dakong alas-9:30 ng gabi.
Agad na pinasok ng mga nabanggit na pinagsanib na grupo ang isang bahay sa No. 60 Don Benito Hernandez Avenue sa nasabing lungsod na nagresulta sa pagkadakip ni Zimeng na nakuhanan ng isang kilong shabu.
Sa isinagawang follow-up operation sa bisinidad ng Seafront Garden Subdivision sa Roxas Boulevard, Pasay City ay nakasamsam pa ng 15 kilo ng shabu sa mga suspek na sina Tsai, Chen, Hai at Chin kasabay ng kanilang pagkakaaresto.
Dakong ala-1:15 ng madaling-araw sa kasunod na operasyon ng pulisya ay sinalakay ng nasabi ring grupo dala ang warrant of arrest ang Units 1601 at 504 ng Tower A at Units 702 at 503 ng Tower B ng Escolta twin Tower sa 288 escolta St. ,Binondo, Maynila at nakakumpiska ang mga ito ng humigit kumulang sa isang kilo ng shabu sa Unit 702. Hindi naman naman naabutan ng mga awtoridad ang isang Peter Tan na nakapangalan sa warrant.
Kasunod nito, dakong alas-5:30 ng gabi ng nasabi ring araw ay nakarekober naman ang Nargroup ng humigit kumulang sa 40 kilo ng shabu na nasa loob ng isang Kia Carnival van na nakaparada sa 4th flr. ng parking area ng Escolta Twin Towers sa Binondo. Dito pa nakumpiskahan sina Chua at Tan ng 241 gramo ng shabu na sinasabing kasapi ng ibang grupo.
Inihahanda na ng pulisya ang isasampang kaso sa mga suspek na nakapiit sa Narcgroup headquarters sa Camp Crame dahil sa paglabag sa Sections 15 at 16, Article III, ng Republic Act 6425 o Dangerous Drugs Act. (Ulat nina Jhay Mejias at Lordeth Bonilla)