Sa kanyang palatuntunang "May Gloria ang Bukas Mo," naghayag ang Pangulo ng pagkaawa sa nakikita niyang paggamit sa mga sanggol na karga ng mga namamalimos sa kalye para antigin ang damdamin ng mga hinihingan ng limos.
"May mga sanggol na inaarkila para gamitin sa paghingi ng awa - ang practice ng professioal begging. Inatasan ko ang PNP na dakpin ang mga utak ng krimeng ito. At inaasahan ko ang Department of Social Welfare and Development na ipagtanggol ang mga batang biktima ng mga walang awang nakatatanda," sabi ng Presidente.
Kabilang dito ang mga batang lansangan, mga batang napipilitang magtrabaho sa mga delikadong lugar at biktima ng prostitusyon, yaong mga ginagamit bilang kubrador ng jueteng, mandukot at tagapagtulak ng droga.
Dahil ilang tulog na lang at Pasko na, nanawagan ang Pangulo sa mga nakaririwasang Pilipino na magkaloob ng tulong sa mga kapus-palad na kabataan.
"Puwede tayong magtayo ng soup kitchen o magbigay ng libreng pagkain sa lansangan. Puwede tayong mag-donate sa mga charities at foundations na tumutulong sa mga sawing palad," apela ng Pangulo. (Ulat ni Lilia Tolentino)