Death Penalty Law 'papatayin' sa Kongreso

Patayin ang death penalty law!

Ito ang nagsisilbi ngayong "battlecry" ni House Assistant Majority Leader Frank Perez matapos mabuhay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang ibasura ang Republic Act 7659 na nagbalik sa parusang kamatayan sa bansa noong 1994.

Sinabi ni Perez na tama lamang ang naging hakbang ng House Committee on Civil, Political and Human Rights at Revision of Laws na isalang sa floor deliberation ang panukalang magbabasura sa R.A. 7659.

Sa ngayon ay apat na panukalang-batas na ang nakahain sa Kongreso na naglalayong i-repeal ang death penalty law.

Sinabi ni Perez na hindi lamang dapat ibaba sa parusang habambuhay na pagkabilanggo ang death sentences kundi dapat ding magkaroon ng rehabilitasyon sa mga kriminal na naparusahan dahil sa paggawa ng karumal-dumal na krimen.

Sa ngayon ay umaabot na sa 1,300 ang mga bilanggong nakalinya sa death row.

Ikinatwiran pa ni Perez na ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga krimeng nagaganap sa bansa araw-araw ay isang patunay na inutil ang parusang kamatayan. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments