Mula sa pagkakakulong sa Tagum Provincial Jail sa Tagum, Davao del Norte ay inilipat sina Global at Salima Salih, 17, sa nabanggit na kampo at dumating dito dakong alas-10 kahapon ng umaga.
Ang paglilipat sa kanila ng kulungan ay bunsod na rin ng bantang pagsalakay ng mga bandidong Abu Sayyaf para iligtas si Commander Global sa kinapipiitan nitong selda sa Davao.
Nauna nang tumutol ang mga preso sa Camp Bagong Diwa laban sa pananatili ni Global sa naturang piitan, subalit nagdesisyon ang PNP na ibalik ito ng kulungan sa Metro Manila dahil mas ligtas umano kung dito sa Manila ikukulong ang nasabing ASG official.
Tiniyak naman ni PNP directorate for Police Community Relations, P/Director Thompson Lantion na may sapat na seguridad na ipinatutupad ang pulisya para bantayan si Commander Global laban sa mga symphatizer nito na maaring maghasik ng kaguluhan.
Minaliit ni Lantion ang posibilidad na salakayin ng mga symphatizer ni Global ang Camp Bagong Diwa para iligtas ang kanilang lider.
Gayunman, nakaalerto ang puwersa ng pulisya sa mga symphatizer at mga bandido na maaaring pumuslit patungong Maynila.
Magugunita na mula sa Camp Bagong Diwa ay inilipat si Global sa Davao jail para harapin ang kaso nitong piracy at murder na ipinalabas ng Panabo RTC kaugnay ng naganap na pag-atake noong nakalipas na Mayo 22 sa Pearl Farm Resort sa Davao City.
Ang nasabing pag-atake ay sinundan pa ng pangingidnap ng grupo ni Global ng 20 katao kabilang na ang American missionary couple na sina Martin at Gracia Burnham sa Dos Palmas beach resort sa Puerto Princesa, Palawan noong nakalipas na Mayo 27.
Matatandaan rin na si Global, chief of staff ng Sulu-based ASG na may patong sa ulo ng P5M reward ay nadakip ng magkakasanib na elemento ng militar at pulisya noong nakaraang Hulyo 8 sa Bgy. Calumpang, General Santos City. (Ulat nina Joy Cantos at Lordeth Bonilla)