Ayon kay Vice President at Foreign Affairs Secretary Teofisto Guingona na handa na ang bansa na ipasundo ang rebel leader, pero tumanggi ito na ihayag ang eksaktong araw ng pagdating ng MNLF chieftain dahil ikinokonsidera pa ring isang malaking banta sa seguridad ng bansa si Misuari.
Ipinangako ng pamahalaan ang maayos na pagtrato dito bilang respeto sa isang dating opisyal ng gobyerno.
Sinabi naman ni Justice Secretary Hernando Perez na posibleng sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ito ikukulong. Isang team ng military at police agents ang ipadadala sa Malaysia na susundo kay Misuari. Isang military plane ang sasakyan ng mga ito.
Isang contingency plan naman ang inihahanda sa NAIA sakaling dumating si Misuari bagaman di pa batid kung saang paliparan ito lalapag. Nakatakda ring mag-issue ng double red alert order sa Villamor Air Base sakali man gamitin ito bilang landing area ng eroplanong susundo sa dating gobernador.
Nilinaw naman ni PNP Director Leandro Mendoza na hindi magde-deploy ang tanggapan nito ng maraming pulis gaya ng ginawa nito sa dating Pangulong Estrada nang isilbi ng Sandiganbayan sa kanyang tahanan sa San Juan ang warrant of arrest nito.
Ang emergency top level meeting ay isinagawa matapos magpalabas ng banta at ultimatum si Malaysian Prime Minister Dr. Mahathir Mohamad na pakakawalan na si Misuari sa ayaw at gusto ng Pilipinas at handang "ipaampon" sa third country na magbibigay ng asylum dahil masyado na umanong matagal ang pananatili nito sa kanilang bansa. (Ulat ni Rose Tamayo/Butch Quejada)