Ang desisyon ng kompanya ay ipinarating ng Managing Director nito na si George Farah sa pamamagitan ng isang sulat kay Northern Samar Rep. Romualdo Vicencio, Chairman ng House Committee on Public Information.
Dinidinig ng nasabing komite ang mga panukalang-batas na nagnanais na mag-regulate sa advertising at marketing ng mga produkto ng tobacco.
Sinabi pa ni Farah na napagkasunduan kamakailan ng Philip Morris International, Japan Tobacco Inc. (JTI) at British American Tobacco (BAT) na makiisa sa International Marketing Standards (IMS) na mahigpit na nagbabawal sa tobacco marketing na ipatutupad sa huling buwan ng susunod na taon.
Subalit mas inunahan na umano ng Philip Morris Philippines ang pagpapatupad ng nasabing kasunduan dahil sinimulan na nila ngayong Disyembre ang pagtatanggal ng kanilang ads sa mga radyo at telebisyon.
Maliban pa sa pagpapatigil ng mga advertisements sa radyo at telebisyon, sinuportahan din umano ng Philip Morris ang pagbabawal sa paggamit ng mga cartoons sa sigarilyo at ang pagbebenta lamang ng sigarilyo sa mga matatanda.
Kaugnay nito, pinuri ni Zamboanga del Norte Rep. Roseller Barinaga ang naging desisyon ng Philip Morris dahil mahalaga umanong maiiwas sa paninigarilyo ang mga kabataan. (Ulat ni Malou Escudero)