Desierto dehado sa round 1 ng impeachment complain

Ipupursige na ang impeachment case laban kay Ombudsman Aniano Desierto matapos pagtibayin kahapon nang nasa 34 miyembro ng House committee on justice na pinamumunuan ni Eastern Samar Rep. Marcelino Libanan ang pagkakaroon ng tamang porma o "sufficient in form" ng impeachment complaint na inihain ni Atty. Ernesto Francisco Jr.

Agad itinakda ni Libanan ang muling pagdinig sa Disyembre 18 upang madetermina naman kung may sapat na ebidensiya ang nasabing reklamo.

Binigyang-diin naman ni Desierto na hindi siya magbibitiw sa tungkulin sa kabila ng ginawang pagpupursige ng kanyang impeachment case.

Tiwala si Desierto na walang matibay na ebidensiya ang tape record na ipinarinig ni Francisco sa Kongreso noong Martes kung saan ay pinag-usapan doon ng naturang abogado at kanyang kliyente na si Luke Roxas noong Okt 26, 2001 ang umano’y suhol na ipagkakaloob kay Desierto.

Magugunita na ibinunyag ni Francisco na humihingi umano si Desierto ng P500,000 at P273,000 na beta camera kay Roxas kapalit sa gagawing pag-upo ng Ombudsman sa Petron scam case na kinasangkutan ni Roxas.

Kasunod nito, nagbabala si Desierto na maaring sampahan ng kasong kriminal si Francisco sa ginawa niyang pag-tape recording ng kanilang usapan ni Roxas.

Puwedeng umanong kasuhan ni Roxas si Francisco ng paglabag sa Anti-Wiretapping Law at paglabag sa confidential na usapan sa pagitan ng abogado at kanyang kliyente. (Ulat nina Malou Rongalerios at Grace Amargo)

Show comments