Inihayag ni Pangulong Arroyo sa isang press statement na tatanggap ng $1,529.01 monthly pension at benepisyong $2,117.15 bilang tulong ng gobyerno ng Israel sa pamilya ni Reyes at iba pang mga kailangan sa pagpapalibing sa kanyang bangkay.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang ginawang pagpapagamot ng Israel sa apat pang Filipino na nasugatang sina Mario Libao, Lily Basi, magkapatid na Maricar at Raul Vibas.
Makakatanggap ng sick pay, medicine, medical treatment, recovery at free hospitalization assistance ang apat na mga nabanggit na sugatan.
Si Reyes at ang apat na sugatan ay mga lehitimo at dokumentadong OWFs na namamasukan bilang care givers sa Israel kaya may karapatang tumanggap ng full benefits sa ilalim ng Betuach Leumi o National Security Insurance of Israel.
Samantala, darating ngayong alas-5 ng hapon sa bansa sakay ng Swiss Air flight SR-178 ang bangkay ni Reyes. Agad dadalhin ang labi sa kanilang lalawigan sa San Juan, Batangas.
Kaugnay nito, umalis ng bansa kamakalawa patungong Israel ang asawat mga anak ni Libao na iniulat na comatose pa rin at nasa intensive care unit ng Ramban hospital sa Haifa.
Si Libao ay isinailalim sa liver at stomach operation matapos magkaroon ng impeksiyon dulot ng matinding tama ng mga pako at pira-pirasong metal sa ibat ibang parte ng katawan.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Victoriano Lecaros, sasagutin ng Israel National Insurance ang pamasahe sa eroplano at hotel accomodation ng pamilya ni Libao.
Samantala, isinailalim sa eye surgery si Maricar at ang kapatid nitong si Raul ay nagkaroon ng "broken leg" habang si Basi ay nabalian ng leeg at balikat at nagkaroon ng sunog sa mukha. (Ulat nina Lilia Tolentino at Rose Tamayo)