Nagtungo sa New York ang abogado ni Misuari na si Sadar Elly Velez Lao Pamatong para personal na iabot kay UN Secretary General Koffi Annan ang siyam na pahinang "urgent request" ng MNLF-Bangsamoro Republik.
Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, ibabasura lamang ng UN ang hindi kapani-paniwalang request na ito dahil hindi umano maniniwala ang UN na may "ethnic cleansing" sa Southern Philippines gaya ng nakapaloob sa urgent request ng MNLF bilang isa sa mga pangunahing rason ng mga ito.
"To save the Mindanaoan people from the ugly scourage of war and genocide, Misuari seeks your assistance in obtaining a UN permanent observer status in behalf of the Moro National Liberation Front," nakasaad pa sa request na may lagda ni Pamatong.
Ayon pa sa DFA, wala umanong dapat ikabahala ang pamahalaan ukol dito dahil kung hindi umano pinaboran si Misuari ng OIC sa kahilingan nitong political asylum ay gayon rin umano ang gagawin ng UN.
Masyadong mabibigat ang naging paratang ng MNLF sa pamahalaan ng Pilipinas gaya ng nakasaad sa urgent request na kanilang ipinasa na umanoy "The Mindanaoans have been a victim of egregerious ethnic and religious discrimination and under the circumstances, the only way for them to live as human beings is to regain their lost sovereignty or independence."
Nilinaw naman ni Malaysian Ambassador Mohammad Taufik na hindi umano imbitado si Misuari sa gaganaping extraordinary meeting ng OIC Committee of the Eight bilang RP representative sa Jakarta, Indonesia ngayong Disyembre 12.
Ang pagkakaalam umano nito ay pawang mga foreign ministers lamang ng mga bansang Senegal, Somalia, Saudi Arabia, Libya, Bangladesh, Malaysia, Indonesia at Brunei ang imbitado.
Magpupulong ang mga ito para pag-usapan ang tungkol sa kaso ni Misuari. (Ulat ni Rose Tamayo)