Nabatid na inakusahan umano si Ador ng mga tauhan ng ISAFP na patuloy pa rin sa kanyang panggagantso sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga cellular phones.
Dahil dito, inutos umano ni ISAFP Chief, Col. Victor Corpus na putulan ng linya ng telepono si Mawanay sa kanyang quarters upang matigil na ang anumang transaksiyon nito dahil kahihiyan ng ISAFP ang nakataya kapag may naloko pa itong mga tao.
Ikinagalit naman ito ni Mawanay sa pagsabing hindi man lamang siya binigyan ng pagkakataon ng ISAFP na ibigay ang kanyang panig at makapagpaliwanag.
Kasabay nito ay lumiham na si Sen. Ramon Magsaysay Jr. sa DOJ na humihiling na isailalim na sa seguridad ng DOJ-Intelligence Service Operations Group (ISOG) si Mawanay na siya ring nais ng huli.
Sa kasalukuyan, si Mawanay ay nasa ilalim na ng DOJ-WPP sa pamamagitan ng conditional admission bunga ng umanoy ibinunyag nitong kidnapping at drug activities ni Lacson.
Gayunman, tiniyak ni DOJ-WPP director Senior State Prosecutor Leo Dacera na magpapatuloy pa rin ang pagbibigay nila ng proteksiyon at benepisyo kay Mawanay hanggat buhay ang kaso laban kay Lacson. (Ulat ni Grace Amargo)