Ang desisyon na tapusin na ang pagsisiyasat ay base sa inihaing mosyon nina Negros Oriental Emilio Macias at Cavite Rep. Gilbert Remulla.
Ikinatuwiran ni Macias na wala nang patutunguhan ang kanilang imbestigasyon dahil wala namang lumutang na complainant laban sa limang kongresista na diumanoy nangotong sa dalawang malaking kompanya ng cellular phones.
Hindi rin naman umano maaaring pilitin ng komite ang reporter na si Tita Valderama ng Peoples Journal na isiwalat kung sino ang source ng kanyang istorya ng Gang of 5.
Kabilang sa mga umanoy miyembro ng "gang" sina Surigao del Norte Rep. Prospero Pichay, Iloilo Rep. Rolex Suplico, Leyte Reps. Aniceto Saludo at Eduardo Veloso at Negros Oriental Rep. Jacinto Paras.
Magugunitang mismong si Suplico ang humiling na bigyan ng dalawang linggong palugit ang komite para maghintay ng nais magreklamo laban sa mga kongresista.
Dahil sa ginawang paggigiit nina Macias at Remulla na tapusin na ang pagdinig, nawalan na rin ng saysay ang naunang mosyon ni Saludo na ikulong si Valderama sa loob ng Kongreso hanggat hindi niya pinapangalanan ang kanyang source.
Hindi na rin naisalang sa witness stand ang isa pang reporter na si Jess Diaz ng Philippine Star.
Nakainitan ni Pichay si Diaz matapos nitong isulat na isang Mindanaoan solon ang lider ng grupo.
Sa limang miyembro ng sinasabing Gang of 5, tanging sina Paras at Suplico lamang ang dumalo sa isinagawang pagdinig kahapon. (Ulat ni Malou Escudero)