Sa ginanap na budget hearing kahapon, inamin ng ilang opisyal ng ARMM na may nawawalang P250 milyong pondo ang naturang ahensiya na hindi pa naipaliliwanag ng dating gobernador.
"Inamin nila sa budget hearing namin na may unaccounted for, ang itinuturo nilang may kasalanan o sangkot sa anomalya ay ang Ramos administration. Kasi, inirelease nila ang pera direkta kay Misuari.
Ipinaliwanag ni Osmeña na maanomalya ang pagpapalabas ng naturang pondo dahil lump sum ang ginawang pagbigay kay Misuari.
Tiniyak naman ng mambabatas na iniimbestigahan ng Senate committee on accounts ang naturang anomalya, ngunit hindi ipapatawag si Ramos kundi si dating Budget Secretary Salvador Enriquez.
"Hindi ko tatawagin si FVR dahil kasinungalingan lamang ang aabutin mo diyan. Tatawagin ko na lamang si Enriquez," sabi pa ng senador.
Sinabi pa ni Osmeña na isasailalim ng unprogram funds ang lahat ng pondong ilalaan ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng nasasakupan ng ARMM habang magulo pa ang sitwasyon sa naturang rehiyon.
Nilinaw pa ni Osmeña na hindi babawasan ng Senado ang P4.3 bilyong panukalang budget ng ARMM kundi uunti-untiin lamang ang pagpapalabas upang makatugon sa pangangailangan ng naturang rehiyon. (Ulat ni Rudy Andal)