Sa inisyal na ulat, nabatid na nagsagawa ng isang feeding program para sa mga malnourished na bata ang isang United Baptist Church group sa may Upper Cuatro, Bgy. San Juan kung saan ginanap ito sa isang catholic chapel dakong alas-3 ng hapon.
Sinabi ng isang residente na may isang buwan nang nagsasagawa ng bible study ang naturang grupo ng Baptist na nakabase sa may Valley View subdivision, Bgy. San Juan at huling pakain na nila sa mga residente.
Isa-isang humanay umano ang mga bata na nagnanais na makakain ng libre at binigyan sila ng spaghetti na nakalagay sa styrofoam at orange juice kung saan ang ilan sa mga bata ay nag-uwi pa umano ng naturang pagkain sa kanilang bahay,
Dakong alas-6 ng gabi nang biglang makaramdam ng pamamanhid ar pangingitim ng labi at kamay ang mga biktima at nagsimula nang magsuka sanhi para isugod sila sa pagamutan.
Hinihinala ng mga residente na maaaring sira na ang sauce ng naturang spaghetti na kanilang nakain. Nakatakda namang suriin ng Department of Health ang naturang sampol ng pagkain para matiyak ang tunay na sanhi ng pagkalason ng mga biktima.
Hindi naman nakunan ng pahayag ang naturang Baptist church group hinggil sa naganap na umanoy pagkalason.
Kasalukuyang naka-confine sa Angono District Hospital, Amang Rodriguez Medical Center at Ryan Anthony Hospital ang mga biktima. Ilan sa kanila ay iniulat na nakalabas na ng pagamutan. (Ulat ni Danilo Garcia)