Maagang pakikipag-sex ng mga kabataan isinisi sa internet, malalaswang palabas

Sinisi kahapon ng isang kongresista ang internet at mga malalaswang panoorin sa television at pelikula na siya umanong nagtutulak sa maagang pakikipag-sex ng mga kabataan.

Ito ang reaksiyon ni Tarlac Rep. Jeslie Lapus sa librong isinulat ng isang Hapones na si Masumi Okamoto na may pamagat na "Family Love and AIDS" na nagsasabing ang sex education at pagpapakilala ng mga artificial contraceptives para sa prevention ng Human Immunodeficiency Virus-Acquired Immune Deficiency Syndrome (HIV/AIDS) ang dahilan kung bakit maraming teenager ang mas maagang nakikipagtalik.

Ayon kay Lapus, dahil sa pagtaas ng bilang ng mga batang maagang nakikipag-premarital sex at nabubuntis sa murang edad, naisip ng ilang sektor ang pagtuturo ng sex education.

Ang pagdami naman umano ng bilang ng mga taong positibo sa HIV/AIDS at iba pang uri ng sexually transmitted disease (STD) ang dahilan kaya ipinakilala nang husto sa publiko ang paggamit ng condom.

At ang tuluy-tuloy na pagtaas naman ng populasyon at ang pagbubuntis ng wala sa panahon ang dahilan kaya pinalawig ng gobyerno ang kampanya sa paggamit ng artificial contraceptives.

Isinaad naman ni Okamoto sa kanyang aklat na dahil sa katuturo ng sex education sa ibang bansa partikular sa Asya ay lalo lamang nagising ang mga kabataan sa bagay na ito.

Dahil alam na umano ng mga kabataan kung paano makakaiwas sa sakit at sa maagang pagbubuntis ay mas tumapang ang mga kabataan na subukin ang bagay na ito. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments