Ayon kay Negros Rep. Apolinario Lozada, chairman ng House committee on foreign affairs, kapag idineport pabalik ng bansa si Misuari ay isasalubong sa kanya ang kasong rebellion bunsod na rin ng ginawang pag-atake ng kanyang mga renegade forces sa Moro National Liberation Front (MNLF) sa Jolo noong Nobyembre 19 at plunder charge dahil sa pagkabigo nitong gamitin ng maayos ang bilyong pisong pondo na nakalaan para sa pagpapaunlad ng Mindanao.
Bukod dito, sakaling manatili naman ito sa Malaysia ay nahaharap pa rin sa death penalty si Misuari dahil maaaring nilabag nito ang internal security act ng naturang bansa nang isali ng MNLF ang Sabah sa kanilang tangka na magtatag ng isang hiwalay na gobyerno sa Mindanao.
Sinabi ni Lozada na dapat nang kumilos ang pamahalaan natin kung pababalikin sa bansa si Misuari bago pa makialam ang ibang miyembro ng Organization of Islamic Countries (OIC) para bigyan ito ng political asylum.
Kaugnay nito, tumanggi si Pangulong Arroyo na magbigay ng pahayag hinggil sa napaulat na umanoy interes ng Saudi Arabia na pagkalooban ng asylum ang puganteng si Misuari.
Sinabi ng Pangulo na wala pa namang opisyal na pahayag na ginagawa ang pamahalaang Saudi ukol dito.
Tiniyak rin ng Pangulo na walang ibang bansang puwedeng manghimasok sa kaso ni Misuari para kunin at kupkupin ito mula sa Malaysia.
At kung totoo anya na gusto na ng Malaysia na ibalik sa Pilipinas ang puganteng dating ARMM governor ay walang problema.
Gayunman, sinabi ng Presidente na kung ganito ang gustong mangyari ni Misuari, makabubuting hilingin na niya sa Malaysia na pabalikin sa Pilipinas ang MNLF chief.
Samantala, may 600 Filipino ang inaresto ng Malaysian authorities at agad ring pinabalik ng bansa dahil sa pagiging illegal immigrants. (Ulat nina Perseus Echeminada at Lilia Tolentino)