Ayon kay Justice Secretary Hernando Perez, si Atong ay nahuli ng US marshall habang naglalaro ng casino sa Paris Hotel sa Las Vegas dakong alas-3 ng madaling araw.
Agad itong na-arraign sa US Federal Court at hindi pinayagang makapag-piyansa.
Si Ang ay nakatakdang i-deport pabalik ng Pilipinas subalit mananatili muna itong nakakulong sa Las Vegas jail habang isinasagawa ang extradition hearing nito na gagawin sa Pebrero 28, 2002.
Magugunita na si Ang, dating consultant ng PAGCOR ay pumuslit palabas ng bansa habang kasagsagan ng impeachment trial ng dating presidente makaraang madawit sa plunder case. Kasama siya sa mga idinawit ni dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson na nakinabang sa jueteng payola.
Napag-alaman na si Ang ay may negosyong supermart sa Las Vegas.
Samantala, inihahanda na rin ang extradition request sa isa pang kaibigan ni Estrada na may kasong plunder na si Jaime Dichaves na umanoy nagtatago rin sa US. (Ulat nina Rose Tamayo at Grace Amargo)